North Cotabato News

Duma ki! Kuyog Ta!

Pagpahalaga sa kultura at tradisyon ng IP mas pinalalakas sa lalawigan ng Cotabato

2 min read

Amas, Kidapawan City- Mas pinalalakas ngayon sa Lalawigan ng Cotabato ang pagpapahalaga sa kultura at tradisyon ng mga indigenous people (IP).

Kahapon, Marso 22, 2021 inilunsad sa siyudad ng Kidapawan ang Project Epanaw isang proyekto na pinangunahan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at Tourism Promotion Board ng Department of Tourism (DOT).

Ang nasabing proyekto ay may layuning ilunsad ang tatlong libro na isinulat ng mga IPs o Indigenous Cultural Communities (ICCs) na naglalaman ng kanilang mayamang kultura at naging kontribusyon sa pagkamit ng kaunlaran sa komunidad.

Ang mga librong nailimbag at ineksibit sa nasabing aktibidad ay ang sumusunod: Una, libro ng “pagkilala” ito ay naglalaman ng IP profiles kung saan dito nakasulat ang kaalaman patungkol sa tribu, ang kanilang pinagmulan, tirahan at ang kahalagahan ng lupa na kanilang minana sa kanilang ninuno o ancestral domain.

Pangalawa, libro ng “paggalang” dito nakasulat ang iba’t-ibang ritwal at pagdiriwang na magpapakita ng kanilang makulay at mayamang kultura na dapat igalang at bigyang halaga.

At pangatlo, libro ng “pagtaguyod” ito naman ay naglalaman ng iba’t-ibang tourism destinations, protected areas, at critical infrastructure na makikita sa loob ng kanilang ancestral domain na dapat pangalagaan.

Bilang representante ni Governor Nancy A. Catamco, binigyang diin naman ni Atty. Ermelo Libre na isa sa tinututukan ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato ang pagbibigay ng mga proyekto na makakatulong sa pagpapaunlad ng mga IP communities sa lalawigan. Umaasa rin siya na sa pamamagitan ng mga librong nailathala ay lalo pang makilala ang kultura, paniniwala at tradisyon ng mga IPs hindi lamang sa lalawigan kundi sa buong Pilipinas.

Noong nakaraang Linggo ay nagbigay pugay rin si Governor Catamco sa mga kababaihang IP sa lalawigan sa mga naging konribusyon nito sa kani-kanilang komunidad sa isinagawang dalawang araw na Role and Rights of JUANA “ Indigenous People Women” in Indigenous Political Structure Orientation Workshop bilang parte ng pagdiriwang ng International Women’s Month ngayong buwan ng Marso.

Labis naman ang pasasalamat ni NCIP XII Regional Director Jeane Anne Moendeg-Zoilo sa pagbibigay ng pagkakataon sa tribu na maipakita ang kanilang mayamang kultura at tradisyon. Ayon sa kanya ang aktibidad ay magbibigay ng pagkakataon hindi lamang sa tribu kundi sa lahat na pahalagahan at igalang ang kinagisnang pamumuhay ng indigenous people.

Nakilahok rin sa nasabing book launching sina National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Regional Director Eduardo Marquez, Ethnographic Commissioner Jennifer Pia Sibug-Las, at North Cotabato NCIP Chairman Eric M. Raz.//pgo-idcd//

Source: https://web.facebook.com/cotabatoprovinceofficial

Leave a Reply

Copyright © 2021 NorthCotabato.net All rights reserved. | by AF themes.