Pinaka dulong Barangay ng Bayan ng Banisilan, binisita ni Governor Nancy Catamco

Emosyonal na nagpasalamat si Barangay Kapitan Carlos B. Benedicto ng Barangay Malagap, Banisilan kay Cotabato Governor Nancy Catamco sa ginawang pagbisita nito sa kanilang barangay kaninang umaga.

Ayon kay Kapitan Benedicto na noong araw ng Hwebes lamang niya nakausap ang gobernadora at hindi nya akalain na agad agad ay tutuparin nito ang pangako na mabisita nito ang kanyang barangay partikular ang hidden tourist spot na underground river.

Si Governor Catamco umano ang kauna-unahang gobernador na nakapunta sa kanilang barangay na siyang pinaka dulong barangay ng bayan ng Banisilan.

Maging si Banisilan Mayor Jesus ” Botchoy” Alisasis ay tila hindi makapaniwala na sa isang linggo lamang ay dalawang beses bumisita sa kanyang bayan si Governor Catamco.

Patunay lamang aniya ito na madaling kausap at aksyon agad ang ating gobernadora kasabay ng pagbibiro na tila wala nang makakatalo pa rito.

Masaya ring ibinalita ni Mayor Alisasis sa mga residente ng barangay Malagap na soon to rise na ang matagal na nilang pangarap na ospital sa bayan na tanging si Governor Catamco lamang ang nagpursige na mabigyang katuparan ito.

Hindi rin magkamayaw sa tuwa at paghanga ang mga lolo at lola na dumalo na anila’y tumanda na sila sa kanilang lugar ngunit ito ang unang beses na dinalaw sila at nakasalo sa hapag kainan ang pinaka mataas na pinuno ng lalawigan.

Naroon din sa pagdalaw ng gobernadora sina Barangay Captains Reymond Loquinario ng Barangay Puting Bato at Jeremias Quiritan ng Barangay Kiaring at Kapitan Macario Pampag ng Barangay Bao, Alamada.

READ  Mga delikadong tulay sa midsayap binisita ni gob. NC pagkatapos ng pagbaha