Banisilan Mayor Alisasis, nagpahayag ng kasiyahan sa pagbisita ni Cotabato Governor Nancy Catamco

Hindi maitago ang labis na kasiyahan sa mukha ni Banisilan Mayor Jesus Alisasis sa pagbisita ngayong araw ni Cotabato Governor Nancy Catamco sa kanyang bayan.

Ang pagpunta ng gobernadora ay kaugnay sa distribusyon ng allowances para sa mga tinaguriang barangay frontline workers na binubuo ng mga Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs), Day Care Workers (DCW), Barangay Nutrition Scholars (BNS) at Barangay Health Workers (BHWs).

Sa naging mensahe ni Alisasis sa mga nagsidalo sa naturang pagtitipon, ipinagmalaki nito na sa deka-dekadang paghihintay ng mga mamamayan ng Banisilan, ngayon lamang maisasakatuparan ang lubos na inaasam ng lahat na makapagpatayo ng isang pampublikong ospital sa kanilang bayan.

Binigyang diin ng alkalde na tanging sa ilalim ni Governor Catamco nagkaroon ng malinaw na pag-asa ang mga Banisilanons na makakuha ng abot-kayang serbisyong medikal sa oras na matapos ang nasabing pagamutan.

Ang konstruksyon ng naturang ospital ay aabot sa P80 milyong piso mula sa pinagsamang pondo ni Senador Juan Miguel Zubiri at pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.

Malugod namang tinugon ng gobernadora ang kasiglahan ni Mayor Alsisasis sa pagsabing ang pagkakaroon ng sariling ospital ay inaasahang makapagdulot ng malaking ambag sa mga pangangailangan sa kalusugan ng mga residente ng bayan maging sa mga kalapit lugar.

Dagdag pa nya na ito ay isa ring hudyat ng paglawak ng serbisyo at komersyo dahil magkakaroon din ito ng positibong epekto sa ekonomiya katulad ng pagkakaroon ng mga laboratoryo, botika at parmasya, pagkakaroon ng mga bagong oportunidad sa trabaho at transportasyon.

Dumalo sa naturang aktibidad sina Banisilan Vice Mayor Julier Caranay at mga miyembro ng Sangguniang Bayan, Provincial Barangay Affairs Head Bebot Oga, mga barangay kapitan, pulisya at militar.

READ  Isang LSI emosyonal na nagpasalamat kay Gob. NC

Source:https://web.facebook.com/GovNancyACatamco/