Tulong pinansyal ipinamahagi ni Gob. NC

Makilala, Cotabato (Septyembre 15, 2020) – Namahagi nitong umaga ng tulong pinansyal para sa mga residente ng Barangay Buenavida si Gobernador Nancy Catamco (Gov. Catamco), Kaakibat ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC), Provincial Social Welfare Development, at Provincial Treasurer’s Office.

“Hindi lang po ito ang matatanggap ninyong tulong. Magbibigay rin po kami ng tulong para sa inyong mga materyales sa pag-gawa ng inyong mga bagong tahanan.”, ani ni Gov. Catamco. Ipinaalam rin nyang mayroon ng nabiling lupa ang Provincial Government na magiging permanenteng tirahan ng mga nawalan ng bahay.

Nagpasalamat si Barangay Captain Jaime Taquibalos (Taquibalos) sa tulong ng Gobernador “Daghang salamat Gov. Catamco kay imo kaming ginapaminawan ug dala aksyon pud. Dakong pasalamat namo sa imong walay undang nga pagtabang.”, sabi ni Taquibalos.

Kasama ng Gobernador si Makilala Mayor Armando Quibod at kanyang may bahay na si Ginang Conchita Quibod, Board Member Onofre Respicio, Police Provincial Director Colonel Henry Villar, at Major Victor Inting (INF) ang Executive Officer ng 39th Infantry Battalion.

Sa okasyon, ipinaliwanag ni Abril Espadera, kawani ng PDRRMC na ang layunin ng programa ay upang matulungan ang mga pamilyang biktima ng lindol na nanatili pa sa mga relokasyon mula noong buwan ng Marso.

Maaalalang sila ay pinabalik sa kanilang mga tahanan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID 19.

Sa kabuoan ay mayroong 157 pamilya ang naging benepisyaryo ng programa. Kada pamilya ay makakatanggap ng P10,000.

Ang lahat ay dumaan sa striktong proseso ng health protocol. Bago makapasok sa Barangay Gym ay dumaan muna sa footbath, thermal scanner, at hands-free sanitization.

READ  74 Stranded Cotabateños ang dumating ngayong araw Sa Probinsya ng Cotabato

(PGO Media Team)